Nitong nakaraang sabado (Hulyo 26, 2014), binagtas ko ang daan patungo sa pinakaaasam kong lugar dito sa Jeju - ang Sunrise Peak. Dahil malapit lang ang Udo island, isang bahagi ng Jejudo, South korea, nagpunta na rin kami ng mga kaibigan ko. Habang ako ay naglalakbay, aking napagnilayan na ang aking karanasan ng araw na iyon ay maaring mag-unay sa ating natatanging nararamdaman.
1. Sa dami-dami ng lugar na magandang puntahan, May isa kang gustong-gustong makita.
Parang babae o lalaki lang, Sa dami dami ng tao sa mundo. May isang magpapatibok ng puso mo at gustong-gusto mong makita. Hindi man espesyal sila sa paningin ng iba, pero para sayo hindi ka magsasawang bikasin ang katagang, "... langit sa piling mo".
2. Hindi alintana ang panganib, makarating lang.
Dapat kang pumunta sa pier at sumakay ng barko papunta sa Udo Island. Ang pinakamasaklap, hindi ako marunong lumangoy. Batid man natin ang panganib ng alon ng karagatan, susuungin ito para makapunta lang sa lugar na naiibigan...
3. Kelangan mong ideklara ang iyong tunay na sarili.
Bawal magpanggap na ibang tao. Bawal gamitin ang di mo pangalan. Kung anu man ang mangyari habang naglalakbay, may pagkakakilanlan ka ng taong iyong sinisinta. Hindi lang textmate at callmate ang dahilan kaya binibigay mo ang number mo sa kanila. Ito ay kailangan upang kayo ay magkakilala ng lubusan.
4. Lahat kayang-kaya basta magkasama!
Sa Udo maaring umarkila ng bisekleta, ng ibang sasakyan, o sumakay sa bus. Pero mas maeenjoy mo ang pag-gala kung magbibisekleta ka ng may kaagapay sa pagpidal sa hirap at dali ng daan.
Hindi mag-isa, dapat magkasama...
5. Sikreto ng matatag na relasyon: may tiwala at takot sa Diyos.
Ang "Biyangdo" ay isang lugar kung saan maaring sambitin ang iyong panalangin. Pinagpapatong patong nila ang bato bago sila magdasal. Pwede mo daw ialay ang iyong mga panalangin sa pamilya, kaibigan, napupusuan at kung anu-ano pa.
6. Babala: Maaring Mahulog (sa iba...)
Hindi mo maiiwasan na mabighani sa ibang nilikha ng ating Panginoong Maykapal. Subalit, nasasayo kung magpapatukso ka o hindi.
7. Kapag nahulog ka sa iba, kelangan mong magbayad.
Hindi isang beses. Dalawa! Isa dun sa una, at isa para sa pangalawa. Sa parehas na tao ka nagkasala dahil sa kapusukan ng damdamin mo.
8. Tandaan: Panatilihing parati kang nasa right (kanan=tama).. Bawal Mangaliwa!
9. Andiyan na nga ang babala, lagi naman nababalewala...
May mga senyales ng ipinaparating upang maiwasan ang di kanais-nais na pangyayari sa inyong relasyon. Subalit hindi ito nasusunod. Huwag magpalandi, upang walang lalandiin. Huwag gumawa ng bagay na iyong pagsisihan sa huli.
10. CCTV... anti-magnanakaw, anti-kalokohan
Nawawalan na ng tiwala niya sayo. At dahil jan, nagiging tamang-hinala na siya sa lahat ng ikinikilos mo. Gusto niya parating bantayan ka at di mawalay sa kanyang mata. Nagiging possessive na siya. ayaw ka niyang masulot ng iba, at ikaw naman... masasakal ka kapag hindi mo to naunawaan..
11. Kapag may usok, may apoy!
Pigilan mo na kung san nagmumula para di na lumala. Ikaw rin, mapapaso ka!
12. Ang mag-irog ay parang CR: may "Privacy" o "Space".
Ito ay para makapag-isip at malaman ang tama para sa kanya at sa iyong sarili. Hindi sa lahat ng pagkakataon maari niyong pakialaman ang isa't isa lalo na yung sobrang sensitibo at pribado.
13. Wag ng magtangka pang pumasok kung pinagbabawalan na. Respeto lang sa isa't isa.
Huwag munang magsumiksik kapag nagaway kayo, lalo na kapag sinabi niyang pahinging espasyo. Irespeto mo muna ang desisyon niya. Baka makulitan, parehas kayong sumabog. Wala kayong mapala. Hiwalayan talaga ang mangyayari sa inyo.
14. Minsan, tulad ng isang larawan... Sinasariwa mo ang ala-ala na nagdaan... Binabalikbalikan.
Habang magkalayo kayo, dun niyo mararamdaman ang saya at hirap na inyong pinagdaanan, ang tamis at kagandahan ng inyong pinagsamahan.
15. HUWAG PABAYAAN!
Isa sa pinagmamalaki ng Jejudo ay ang Seongsan ilchulbong o sunrise peak. Ito ay itinanghal isa sa New 7 wonders of the world.
...at tulad ng mga natatanging likas na yaman...
Dapat INGATAN, ALAGAAN, PAHALAGAHAN at LINANGIN upang maging mas kaaya aya at tumagal hanggang sasusunod pang mga henerasyon.
***Ito ay hango sa personal kong karanasan at repleksyon. Kung nagnanais po kayong pumunta sa Udo at Sunrise peak (seongsan ilchulbong). Maari po itong maging gabay sa inyong paglalakbay. :)